Lumaktaw sa nilalaman

Lagot ang magkapatid na Toh kay Noynoy

Hunyo 10, 2010

Target ni Tulfo by Mon Tulfo

NAG-party ang mga angkan ng Ampatuan na nakakulong sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City noong Sabado ng hapon.
Pinayagan sila ng jail warden.
Kontodo de loud speaker pa raw, sabi ng mga kamag-anak ng ibang detainees na dumadalaw noong mga oras na iyon.
Bakit pinayagan na magbigay ng piging ang mga Ampatuan?
Maaaring binigyan sila ng pahintulot ng warden dahil may tawag sa Malakanyang.
Ang mga Ampatuan, na diumano’y masterminds ng Maguindanao massacre, ay madikit kay Pangulong Gloria.
Noong 2004 election, zero ang aktor na si Fernando Poe Jr. sa Maguindanao kay Pangulong Gloria dahil sa mga Ampatuan.
Maliit na bagay lang ang pahintulutan ang mga Ampatuan na maghanda sa loob ng Bicutan jail dahil sa ginawa nilang pabor kay Pangulong Gloria.
Anyway, kapag wala na si GMA ay hindi na mabibigyan ng VIP treatment ang mga Ampatuan.
Maghintay na lang tayo ng isa pang buwan para umalis si Gloria sa puwesto.
* * *
Ipaparada raw sa June 12 Independence Day celebration ang mga naging accomplishments ni GMA sa kanyang 10 years bilang Pangulo.
Ang mga accomplishments ni GMA ay makikita sa parade ng mga floats sa harap ng Quirino Grandstand sa Luneta.
Bakit hindi iparada rin ang mga sumusunod: First Gentleman Mike Arroyo, dating Comelec Commissioner Virgilio Garcillano, dating Agriculture Undersecretary Jocjoc Bolante, dating Justice Secretary Nani Perez, dating Comelec Chairman Ben Abalos, dating NEDA Secretary-General Romy Neri, at mga opisyal ng ZTE Corp. na pawang mga Intsik sa China?
Lahat sila ay nag-contribute ng mga “accomplishments” ni Gloria bilang Pangulo.
* * *
Hahabulin daw ni bagong halal na Pangulong Noynoy ang mga smugglers kapag siya’y naluklok na sa Malakanyang.
Naku, Sir Noynoy, marami kang masasagasaan at primera na rito ang magkapatid na Toh na sina Vicky at Tomas!
Sila ang pinakamalaking smugglers sa South Harbor at Manila International Container Port.
Wala makapagpigil sa kanila sa Bureau of Customs dahil kapit sila sa isang maimpluwensiyang tao.
Dahil sa kanila, itinatag ni Pangulong Gloria ang Presidential Anti-Smuggling Group (PASG).
Dahil kina Vicky at Tomas Toh, ilang beses pumunta ng Bureau of Customs main office sa South Harbor si GMA upang manmanan ang dalawa.
Kung hindi ninyo alam kung bakit napakalakas ng dalawa ay mahina kayo sa balita.
Dahil sa kanila, naging magkaaway kami ni Mike Arroyo na madikit kong kaibigan.
* * *
Dahil bababa na sa puwesto ang mag-asawang Mike at Gloria, babalik na ang inyong lingkod sa radyo at maaaring sa telebisyon.
Mauuna munang babalik sa ere ang aking programang “Isumbong mo kay Tulfo” sa radyo, saka na yung sa TV.
Makakatulong na naman ako sa maraming mamamayan na inaapi at kapuspalad sa pamamagitan ng aking programa.
Abangan po ninyo ang pagbabalik ko sa ere.     * *            *
Sa tuwing tinatanong ako ng mga taong nakakasalubong ko sa daan kung kailan ako babalik sa radyo at telebisyon, labis akong natutuwa.
Walang paglagyan ang aking tuwa dahil hindi pa nakakalimutan ng taumbayan ang inyong lingkod bilang komentarista kahit na nawala ako ng apat na taon.
Si Mike Arroyo lamang ang nakapagtanggal sa inyong lingkod sa radyo at telebisyon.
Ang hindi alam ni FG ay hindi lang ako ang kanyang sinaktan kundi ang maraming mamamayan na sumusubaybay ng aking programa sa DWIZ at sa RPN 9 bago ako pinatigil.
Magkakasama-sama tayong muli, mga kababayan ko, sa Isumbong mo kay Tulfo.
Sasabihin ko rito sa Target ni Tulfo kung saang radio station ako magpoprograma.

Bandera, Philippine News, 061010

No comments yet

Mag-iwan ng puna