Skip to content

Albularyo, espiritista, magtatawas, atbp.

Mayo 9, 2012

(Ikalawang bahagi)

Ni Bella Cariaso

ANG faith healing ay paggaling sa paniniwalang ang isang tao o lugar ay may abilidad na makapaggamot at makapagpagaling, na ang isang nilalang o bagay ay nakakapag-alis ng karamdaman o nakakawala ng anumang nararamdamang sakit sa pamamagitan ng koneksyon sa isang mataas na kapangyarihan.

Ito ay ginagawa sa pamamagitan ng dasal, pagbisita sa isang religious shrine o sa pamamagitan lamang ng malakas na paniniwala.

Ayon sa mga naniniwala sa faith healing, ang paggaling ay maaaring matamo sa pamamagitan ng pagdarasal o mga ritwal na nagtatawag ng presensiya ng kakaibang lakas at kapangyarihan para makapagpagaling.

Kadalasan, kamay lamang ang ginagamit kapag isinasagawa ang mga ritwal para sa faith healing.

Sinasabing ang dasal, pagsanib sa isang nilalang ay nakakapagpagaling ng iba’t-ibang sakit, partikular ang mga malalalang karamdaman.

Kadalasang iniuugnay sa isang himala ang umano’y paggaling ng isang tao.

May iba’t-ibang klasipikasyon ang faith healing base na rin sa paraan ng panggagamot ng mga taong nagsasagawa nito.

Albularyo

Kung ang mga doktor ay may general practitioner, sa faith healing, ang albularyo ang masasabing katapat nito. Mga medicinal herbs ang kadalasang ginagamit ng isang albularyo sa panggagamot.

Madalas na takbuhan ang albularyo ng mga tao sa isang lugar, lalo na sa mga baryo  na walang nakukuhang tulong mula sa gobyerno kaugnay ng problema nila sa kalusugan.

Ang iba naman ay sinasabing may abilidad talaga sa panggagamot matapos ipamana ito ng isang kakaibang nilalang.

Kadalasan, ang mga albularyo ay walang pormal na edukasyon.

Ang kanilang mga ginagawang panggagamot ay mga namana nang panggagamot mula sa mga nakakatanda.Dahil na rin sa pagsusumigasig, naging pamilyar na ang isang albularyo sa mga ritwal, sa umano’y karamdaman ng isang pasyente at ang paraan ng paggagamot kagaya ng dasal, bulong orasyon at paggamit ng mga medicinal plants.

Ang iba naman ay naging gamay na ang pagkuha ng pulso para malaman ang sakit ng isang pasyente.

Nag-iiba rin ang itinuturo ng albularyo na sanhi ng pagkakasakit ng isang tao, depende sa paniniwala ng isang lugar sa mga kakaibang nilalang kagaya ng dwende, nuno sa punso, lamang lupa, tikbalang at kapre.

Kabilang sa mga ritwal na ginagawa ng albularyo sa kanyang panggagamot ay tawas at luop samantalang ang ginagamitan naman niya ito ng iba’t-ibang panlunas kagaya ng tapal, lunas, kudlit, pangkontra, bulong at orasyon.

Kadalasang maririnig sa albularyo na ang sanhi ng pagkakasakit ay na-nuno, na-dwende at na-lamang-lupa.

Espiritista

Ang mga espiritista ay sinasabing nabibilang sa isang sekta at nagmula sa Europa.

Nauso ang mga espiritista sa pagsapit ng 20th century.

Kabilang umano sa mga prominenteng miyembro ng mga espiritista ay sina Isabelo de los Reyes, ang iskultor na si Guillermo Tolentino, at isang naging gobernador ng Pangasinan.

Sikat ang mga espiritista sa Northern Luzon, partikular sa Pangasinan.

Gumagamit sila ng “séances” para makipag-usap sa mga patay o sa iba pang ispiritu.

Nanggagamot din ang mga espiritistas. Galing sa grupo ng espiritista ang kauna-unahang psyhic surgeon na si  Eleuterio Terte na nakilala noong 1950s.

Karamihan ng mga naunang psychic surgeons ay nagmula sa Northern Luzon at kalaunan ay kumalat na sa iba’t-ibang parte ng bansa hanggang ang mga ito ay naging popular noong 1980s at early 1990.

Mangtatawas

Ang tawas ay isang popular na diagnostic na ritwal na isinasagawa ng karamihang alternative healers para magbigay ng clue ng sanhi o kadahilanan ng sakit ng isang pasyente.

Nakuha ang pangalan ng pagtatawas sa salitang alum, o crystalline double sulfate ng aluminum at potassium at mula nga noon ekslusibong ginamit na ito sa diagnostic ritual.

Sa ngayon, ang tawas ay ginagamit sa diagnostic ritual o pamamaraan gamit ang iba’t-ibang bagay gaya ng kandila, itlog, salamin, plain paper, balat ng sigarilyo at alum.

Manghihilot

Kadalasan, limitado lamang ang ginagawa ng mga hilot sa mga nararamdamang sakit sa katawan na naiibsan sa pamamagitan ng panghihilot at masahe.

Kabilang sa mga kagamitan ng isang hilot ay isang anting-anting, isang “empowered” cane, isang nazarene-garb na pinamana ng isang guro at mga ilang ritwal para malaman ang karamdaman.

Isang sinaunang teknik ng pagmamasahe ay paggamit ng simbolo ng krus, koronang tinik, rosaryo at ang pagpako ng kamay at paa.

Kadalasang ginagamit ng manghihilot ang langis ng niyog at mga dahon na ginagawang pantapal sa apektadong parte ng katawan. Nilalapitan ang manghihilot sa mga pilay, tapilok, nabalian at pagmamasahe.

Mangluluop

Ang mangluluop ay isang espesyalista para malaman ang sanhi ng isang karamdaman sa pamamagitan ng ritwal na luop.

Kabilang sa ginagamit sa ritwal ay ang kalanghuga, isang klase ng shell mula sa tubig tabang o tubig alat, asin, para umano manghina ang mga supernatural spirits, benditang palaspas, uling mula sa bao ng niyog, tingting at isang lata.

Paghahalu-haluin ang mga sangkap sa lata at ito ay dadasalan at resulta ay base sa itsura ng pinagsama-samang sangkap sa lata. Pagkatapos nito, papayuhan ng mangluluop ang pasyente ng nararapat niyang gawin.

Pagkatapos isagawa ang ritwal, dudurugin ang shell habang dinadasalan ang pasyente. Itatapon ang mga ginamit sa ritwal sa ilalim ng hagdanan para umano hindi na bumalik ang mga masamang espirito sa bahay.

Manghihila

Karaniwang ginagawa sa panghihilot para malaman ang apektadong parte ng katawan o sala ay ang panghihila.

Minamasahe muna ng langis ng niyog ang apektadong lugar bago isagawa ang panghihila gamit ang isang salamin, cellophane, at papel ng sigarilyo.

Tinatakpan ng medicinal na dahon ang ginamot na parte pagkatapos ng isinigawang hilot.

Faith Healers

Nag-uumpisa ang mga faith healers bilang albularyo o hilot.

Bagamat magkakaiba ang ginagawang panggagamot, pare-pareho ang kanilang pahayag na galing ang kanilang kapangyarihang manggamot sa Holy Spirit, na sila ay kasangkapan lamang ng Holy Spirit.

Karamihan sa mga faith healers ang nagsasabi na nakaranas sila ng divine encounter, o kaya naman noong kanilang kabataan ay may kakaibang karanasan na kung saan inatasan siyang manggamot.

Kasama naman sa kategorya ng mga faith healers ang psychic healers na kung saan bumubulong at dinadasalan ng mga ito ang mga apektadong parte ng maysakit.

Ang iba naman ay naglalagay ng bulaklak na ibinabad sa langis at dinasalan. Laway naman ang ginagamit ng ilang faith healers.

Bukod sa psychic healers, kasama rin sa mga faith healers ay ang mga psychic surgeons, o ang mga taong nagsasagawa ng operasyon gamit lamang ang kamay at walang ginagamit na anumang instrumento.

Naging kontrobersiyal naman ang ilan sa mga psychic surgeons matapos may mga ilan ang sinasabing peke ang ginagawang operasyon sa mga maysakit.

Isa sa kilalang faith healer ngayon ay si Father Fernando Suarez, isang paring Katoloko na sinabing nadiskubre niya ang kanyang talent sa panggagamot sa edad na 16.

Anya, nakita niya ang isang pilay na babae na kung saan naawa siya rito. Umupo siya dito at nagdasal kasama niya.

Pagkatapos nito, nakita niyang may tumutubong buto sa babae at dahil sa pagkagulat tumakbo siya paalis.

Hanggang sa ngayon, wala pang nakakakita sa sinasabing babae.

Aniya, nang siya ay naging pari, napagtanto niya na hindi niya dapat sarilihin ang kanyang kakayahang manggamot kayat nagsimula na sinyang manggamot.

Mula noon, kung saan-saan na siya nagpupupunta para magmisa at magdasal kasama ang mga maysakit.

Taong Enero 25, 2008 nang ihayag ng Catholic Bishops Conference of the Philippines  (CBCP) na bagamat masaya sila para kay Suarez, patuloy siyang babantayan sa kanyang pagmimisa at mga aktibidad.

Noong Enero 26, 2008, dalawa ang namatay at pito ang isinugod sa James Gordon Hospital sa Olongapo City habang naghihintay kay Suarez.

Namatay noon si Juanito Eleazar, 69, matapos atakihin sa puso habang nakapila kasama ng 15,000 iba pang pasyente.

Sa Mexico, Pampanga, ang 39-taong-gulang na may colon cancer na si Alberto Tapnio ay namatay habang nasa wheelchair at siya ay binasbasan ni Suarez. Si Tapnio ay dead on arrival sa isang ospital at siya ay tinangkang buhayin sa pamamagitan ng electric shocks. Nagbunyi ang mga tao, ngunit namatay din si Tapnio pagkatapos ng apat na oras.

Sa ngayon patuloy pa rin ang healing mass ni Suarez sa loob at labas ng bansa.

Ed:  May tanong, komento o reaksyon ba kayo sa artikulong ito? I-text ang inyong pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.

Advertisements
No comments yet

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: